Noong unang panahon, ang mga diyosa ang pumipili kung anong puno ang bibigyan nila ng katangian upang mamulaklak. Ilan sa mga punong nabigyan ng ganitong kakayahan ay ang mga punong kalachuchi, katuray, adelfa, manga at iba pa. Ngunit isa sa mga hindi pinagpala upang mamulaklak ay ang puno ng Ilang-ilang.
Nalungkot si Ilang-ilang sapagkat gusto rin niyang magkaroon ng mga bulaklak. Narinig niya ang kanyang mga katabing puno na pinagmamalaki ang kanilang mga magagandang bulaklak. Naging mayabang ang mga ito na kesyo mas maganda sila. Ang mga puno daw na hindi namumulaklak ay mas mabuting putulin na lamang upang gamitin sa paggawa ng bahay o di kaya’y gawing panggatong para may pakinabang.