Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Ylang-ylang

By

×

First Published: 2013/07/18

Noong unang panahon, ang mga diyosa ang pumipili kung anong puno ang bibigyan nila ng katangian upang mamulaklak. Ilan sa mga punong nabigyan ng ganitong kakayahan ay ang mga punong kalachuchi, katuray, adelfa, manga at iba pa. Ngunit isa sa mga hindi pinagpala upang mamulaklak ay ang puno ng Ilang-ilang.

Nalungkot si Ilang-ilang sapagkat gusto rin niyang magkaroon ng mga bulaklak. Narinig niya ang kanyang mga katabing puno na pinagmamalaki ang kanilang mga magagandang bulaklak. Naging mayabang ang mga ito na kesyo mas maganda sila. Ang mga puno daw na hindi namumulaklak ay mas mabuting putulin na lamang upang gamitin sa paggawa ng bahay o di kaya’y gawing panggatong para may pakinabang.

Mas lalong nalungkot si Ilang-ilang. Sa gabi ito umiiyak upang sa gayon ay walang makarinig sa kanyang mga hikbi. Walang magawa si Ilang-ilang kaya’t hinayaan na lamang niya ang mga mayayabang na mga kapitbahay.

Isang araw, umulan ng malakas at tila babagyo pa ata. Ang lahat ng puno ay nagsipaghanda. Ang mga may bulaklak ay hinigpitan ang kapit upang hindi matangay ng hangin at ulan ang kanilang pinaka-iingatang mga bulaklak. Dahil sa wala namang bulaklak si Ilang-ilang, ito ay kampante na makakaraos sa bagyo.

Sa di kalayuan, dalawang higad ang naghahanap ng masisilungan mula sa ulan. Naka-ilang tanong na ang mga ito, nakikiusap sa mga puno na sila ay patuluyin pansamantalang may bagyo. Ngunit lahat ng mga puno ay tumanggi sa kanila, lalo na ang mga bulaklak. Siguradong ubos hindi lamang ang mga dahon kundi pati na rin ang kanilang mga bulaklak ani nila.

Walang magawa ang mga kawawang higad. Umalis sila na nangangamba na anomang oras ay tatangin sila ng baha.

Narinig ni Ilang-ilang ang pagpapalayas ng mga ibang puno sa dalawa kaya’t pasigaw nitong tinawag ang mga higad. Inialok nito na sa kanya na lamang tumuloy ang dalawa. Total, aniya, wala naman siyang mga bulaklak at di hamak na mas mahalaga ang buhay ng mga higad kaysa sa kanyang mga dahon. Kumain lang daw sila ng maski ilang dahon ang gusto nila.

Matagal bago natapos ang unos. Nang sumikat ang araw hinanap ni Ilang-ilang ang mga kaibigang higad ngunit wala na ang mga ito. Nalungkot siya na baka nahulog ang mga ito dahil sa malakas na hangin at ulan.

Sa halip, may nakita si Ilang-ilang na parang mga bulaklak na nakasabit sa kanyang mga sanga. Ito na nga ang dalawang higad na sa gitna ng unos ay naging mga ganap na paru-paro.

Nalaman ng mga diyosa ang kagitingang ginawa ni Ilang-ilang. Binisita nila ang puno na may dalang magandang balita. Pagkakalooban si Ilang-ilang ng pabuya dahil sa inisip muna niya ang kapakanan ng iba bago ang sarili.

Simula noon ay magkakaroon na siya ng mga bulaklak na katulad ng mga naka-tiklop na pakpak ng mga kinalinga niyang paru-paro. Hindi lamang yun, ang kanyang mga bulaklak ay magkakaroon ng bango na hahalimuyak sa buong kakahoyan. Natuwa si Ilang-ilang, sa wakas magkakaroon na rin siya ng bulaklak.
×

. "Alamat ng Ylang-ylang." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_ylang_ylang/13-1-0-63.

. "Alamat ng Ylang-ylang." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_ylang_ylang/13-1-0-63.

(2013/07/18). "Alamat ng Ylang-ylang." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_ylang_ylang/13-1-0-63.