Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Kuwago

By

×

First Published: 2013/07/18

Noong unang panahon, sa isang puno sa gubat ay nagpang-abot ang mga ibon na si kalapati at si kuwago. Nag-usap ang dalawa habang sila ay nagpapahinga. Kung saan-saan naabot ang kanilang kuwentuhan hanggang sa nagpayabangan ang dalawa kung kaninong pangkat ang may mas maraming kasamahang ibon.

Parehas na iginigiit ng dalawa na sila ang mas marami kaysa sa isa. Napagkasunduan nila na upang mapatunayan kung sino ang nagsasabi ng totoo ay magtatawag at magtitipon sila ng kanilang kauri. Magkikita sila bukas sa lugar ding iyon upang bilangin kung sino nga ang mas nakararami.

Humayo na nga ang dalawang ibon upang ipaalam sa mga kauri ang magaganap na bilangan bukas. Ipinamahagi ni Kuwago ang balita at tinipon niya ang lahat ng kanyang mga kamag-anak. Lahat ng mga kuwago ay nagpahayag na sasama sila bukas upang maipakita nila sa mga kalapati na sila ang may mas madaming pangkat. Sa dami nila isip ng mga kuwago, tiyak na mananalo sila sa pustahan at mapapahiya ang mga kalapati. Natatawa na sila kapag naiisip nila ang magiging reaksyon ni Kalapati sa dami ng mga kuwagong dadalo.

Kinabukasan, maaga pa lang ay nagpunta na ang mga kuwago sa nasabing lugar. Parang isang malaking pagtitipon ng mga kuwago ang naganap sa kagubatan, andun silang malakas na nagtatawanan, nagbibiruan at nagkukuwentuhan.

Naiinip na ang mga kuwago sapagkat matagal dumating ang mga inaantay nilang mga kalapati. Malapit ng lumubog ang araw ay wala pa ring mga kalapati ang dumarating. Nagtawanan sila at naisip na baka natakot ang mga kalapati na matalo sa pustahan kaya’t hindi na nagpakita ang mga ito.

Ngunit hindi pa natatapos sa pagtatawanan ang mga kuwago ay biglang dumilim ang buong paligid. Nagulat ang lahat sapagkat meron pa namang araw ng oras na iyon. Tumingala ang mga kuwago at nasindak. Nanlaki ang kanilang mga mata sa nakita- libu-libong mga kalapating nagliparan patungo sa napagkasunduang lugar. Sa dami ng mga kalapating dumarating ay nagawa nilang takpan ang sinag ng araw at dahil dito ay dumilim nga ang kapaligiran. Sa takot, dali-daling nagsiliparan ang mga kuwago upang makaalis sa lugar na iyon at magtago mula sa mga kalapati.

Hindi makapagsalita sa gulat ang mga kuwago. Ang tanging nasabi nila sa sindak sa nakita ay “hoo, hoo”. At hanggang sa ngayon ay hindi na bumalik sa dati ang dilat nilang mga mata at tanging ang mga pantig na iyon ang kanilang laging nababanggit. Sa tuwing gabi na rin sila lumalabas kung hahanap ng makakain dahil sa takot na baka makasalubong nila ang pangkat ng mga kalapati na tumalo sa kanila sa pustahan.
×

. "Alamat ng Kuwago." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2024/12/22. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_kuwago/13-1-0-67.

. "Alamat ng Kuwago." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2024/12/22, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_kuwago/13-1-0-67.

(2013/07/18). "Alamat ng Kuwago." Cyberdasm. Retrieved 2024/12/22, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_kuwago/13-1-0-67.