Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Ahas

By

×

First Published: 2013/07/18

Bago pa man gumagapang ang mga ahas ay dati na silang may mga paa. Tulad ng iba pang mga hayop, ang mga ahas ay may apat na paa na kanilang ginagamit upang makalakad.

Sa gubat, tinuruan ng isang guro ang mga magkakaibigang kobra, sawa at dahong palay ng pagtatanggol sa sarili. Ang mga ito ay tinuruan ng guro sapagkat napansin nito na ang mga ahas ay maliliit at palagi silang kinakawawa ng mga mas malalaking hayop.

Matapos ang kanilang pagaaral, natuto nga ang mga ahas ng kakayahang ipagtanggol ang sarili. Mahigpit na ipinagbilin ng guro sa mga ito na wag gamitin ang natutunang kakayahan sa paghahambog lamang. Ito ay gagamitin lang nila kung kinakailangan at sa mabuting layunin lamang.

Ngunit dahil sa bagong natutunan, naging mataas ang tingin ng mga ito sa sarili. Saan man sila magpunta ay pinagyayabang nila na itinuro sa kanila ng guro ang kakayahan na ipagtanggol ang sarili maski mas malaki pa ang kalaban.

Isang araw, ang mga ahas ay nagkatuwaan at nagpustahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling. Nagpatagisang gilas silang tatlo. Dahil dito, ang lahat ng mga hayop sa gubat ay nagkagulo. Sumakit ang katawan ni Leon ng pilipitin ni kobra. Iika-ika si elepante matapos sipa-sipain ni sawa ang kanyang mga binti. Si matsing naman ay napagod at hinihingal sa katatakbo upang maiwasan ang mga suntok ni dahong palay.

Narinig ng guro ang ginawa ng mga tinuruan niyang ahas. Napa-iling ito at nag-isip kung paano niya tuturuan ng leksiyon ang mga hambog at malilikot na hayop. Matapos mag-isip ay hinanap niya ang mga ahas.

Nang makita ng guro ang mga ahas, ito ay nagdasal. Napatulog niya ang mga ito. Itinali niya at inipit ang mga paa ng malilikot na ahas at pinutol ang mga ito.

Nagising ang tatlo at nakita ang putol nilang mga paa. Nasa tabi nila ang kanilang guro. Pinaunawa ng guro na kaya niya pinutol ang mga paa nito ay dahil sa naging hambog ang mga ito dahil sa panibagong natutunan. Pinagsabihan niya ang mga ahas na simula noon ay wala na silang paa at gagapang na lamang sila para makalakad. Hindi na rin nila magagamit ang kakayahan sa pagtatanggol dahil hindi sila karapat-dapat para dito.

Simula noon ay gumagapang na lang ang mga ahas. Dahil hindi na rin nila magamit ang kakayanan ng pagtatanggol at sa hiyang dinulot ng pagkakaputol ng paa, sila ngayon ay naging mailap sa ibang mga hayop. Nagtatago sila at nag-aantay ng tamang pagkakataon upang umatake sa kanilang biktima.
×

. "Alamat ng Ahas." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_ahas/13-1-0-65.

. "Alamat ng Ahas." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_ahas/13-1-0-65.

(2013/07/18). "Alamat ng Ahas." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_ahas/13-1-0-65.