Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Uwak

By

×

First Published: 2013/07/18

Maraming maraming taon na ang nakalipas, may isang mag-asawa ang biniyayaan ng dalawang anak na babae. Masaya ang buhay ng mag-anak kahit simple lang ang pamumuhay. Ngunit maagang namatay ang asawang babae kaya’t ang lalaki lamang ang naiwan upang magpalaki sa dalawang bata.

Habang lumalaki ang mga bata mapapansin ang kaibahan nila sa isa’t isa hindi lamang sa anyo kundi pati na rin sa pag-uugali. Ang panganay na si Ria ay kayumanggi at maganda. Higit sa lahat, ito ay mabait at matulungin sa kapwa. Siya ang gumagawa ng mga gawaing bahay at madalas tumutulong sa kanilang ama upang manghuli ng isda.

Samantala ang bunso na si Uwa ay kabaliktaran ni Ria. Si Uwa ay maputi at may mahaba at mala-mais na buhok. Tiyak na higit itong maganda kaysa sa kanyang nakatatandang kapatid. Wala itong ginawa buong maghapon kundi mag-suklay at tumingin sa salamin habang humahanga sa sariling kagandahan. Hindi ito tumutulong sa gawaing bahay at lalo na sa pangingisda ng ama.

Isang katangiang namana ni Uwa sa kanilang namayapang ina ay ang husay sa pagkanta. Napakaganda ng boses nito. Lahat ng makakarinig dito ay nakakasiguro na isang diyosa ng kumakanta. Si Uwa lang ang may katangian sa pagkanta ngunit hindi naiinggit ang kapatid. Masaya si Ria para kay Uwa at sa mga paghangang tinatamo nito.

Hindi naglaon namatay din ang kanilang ama. Kinailangan nilang maghanap-buhay upang may makain. Ngunit ang panganay na si Ria lamang ang nangingisda samantalang si Uwa ay naiwan sa bahay lamang. Wala ring ginagawa sa bahay ang bunso. Hindi man lang ito malinisan ang bahay o makapagluto ng makakain ng kapatid sa pag-uwi.

Madalas nakiki-usap si Ria na sana tumulong din ang kapatid sa kanya dahil sa nahihirapan na itong mangisda. Hindi naman kasi gawain ng isang batang babae ang mangisda ngunit dahil sa kinakailangan ay ginagawa niya ito. Ang naisip na paraan ni Ria ay kumanta ang kapatid kapalit ng makakain.

Ngunit nagalit si Uwa. Hindi raw para lamang sa kung sino ang kanyang boses at lalo nang hindi daw siya ang may reponsibilidad na maghanap-buhay. Ang panganay daw ang dapat na gumawa nito. Walang nagawa ang panganay na si Ria; hindi niya mapilit ang kapatid na tumulong sa kanya.

Isang araw, may isang matandang babae ang humingi ng pagkain sa bahay ng magkapatid. Agad na pinatuloy ni Ria at binigyan ng pagkain ang matanda. Nakita ni Uwa ang matanda, pinagalitan niya ang kapatid sa pagbibigay ng pagkain sa gayong kapos sila nito. Pati ang matanda ay pinagalitan at pinagtabuyan sa bahay ni Uwa.

Ipinamalas ng matanda ang tunay nitong anyo; ito pala ay isang diwata. Nagulat ang dalawa. Humingi ng paumanhin ang nakababatang kapatid. Ngunit huli na para sa diwata ang hinihinging paumanhin. Nakita na nito ang tunay na ugali ni Uwa.

Si Ria, bilang gantimpala sa kabaitan, ay binigyan ng diwata ng magandang buhay at pinagpatuloy naman nito ang pagiging matulungin sa kapwa.

Samantala, pinarusahan ng diwata si Uwa. Ginawa niya itong isang maitim na ibon na may pagkapangit-pangit na boses. Ang ibon na iyon ay ang tinawag ngayon na uwak.
×

. "Alamat ng Uwak." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_uwak/13-1-0-64.

. "Alamat ng Uwak." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_uwak/13-1-0-64.

(2013/07/18). "Alamat ng Uwak." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_uwak/13-1-0-64.