Project logo

Photo courtesy of .

Sa pandayan ng karalitaan

By Rodolfo D. Izon

×

Rodolfo D. Izon

First Published: 2013/07/31

Ano ang kadalasang nagiging problema ng isan pamilya? Ano ang dapat gawin upang makaahon sa kahirapan? Hindi ba sa panahon ng kagipitan walang ibang magtutulungan kung hindi ang magulang at ang anak.

Maliit pa lamang ako ako ay natuto na akong maghanapbuhay. Noon, natatandaan ko pa, pagkagaling ko mula sa  eskuwela ay namimingwit ako sa bukana ng ilog sa aming bayan, upang may maiulam ang tatlo kung maliliit na kapatid.

Ang aking ama ay empleyado sa isang maliit na kompanya na kumikita ng dose pesos isang araw. Halos hindi makasapat sa aming pamilya ang kanyang kinikita. Walo kaming magkakapatid, ako ang panganay, tatlong sunod-sunod na babae ang sumunod sa akin, ikaapat ay si boy at ang iba pang sumunod sa kanya ay babae nang lahat.

Maliit lamang ang matrikula noon sa eskuwela kayat papaano'y napapag-aral kami ng aming ama sa elementarya. Ako ay nasa ikaanim na baitang noon, ang aking kapatid na si Felisa ay nasa ikalima, nasa ikatlo si Maria, at ang aking kapatid na si Henia ay kasalukuyang nasa unang baitang. Bagama't salat kami sa gamit sa paaralan at sa baon ay hindi kami nahuhuli sa class standing. Kung hindi man kami ang nangunguna ay pumapangalawa kami sa sampung nakukuha ng pinakamataas na marka. Kahit paano'y nasisiyahan ang mga magulang ko, dahil sa iyon lamang ang tanging yamang maipagmamalaki nila; ang magkaroon ng mga anak na matalino.

Sa tulong ng aking  Impong Angelina ay nakapaglabada si Ina, kahit na paano'y nakukuha niya ang ginagastos namin sa pag-aaral at baon; gayon din ang hinihingi ng mga maliliit kong kapatid.

Kung Sabado't Linggo ay naglalako ako ng mga kakainin tulad ng ukoy, maruya, barbekyung kamote, nilagang saging, at nilagang kamoteng-kahoy, kasama ang aking kapatid na si Henia na siyang tagasigaw samantalang ako naman ang tagasunong ng bilao at tagasukli kung may bumibili.

Nakatapos ako ng mababang paaralan bilang isang balediktoryan, kaya't nakatapos ako ng mataas na paaralan nang walang matrikula. Pagkaraan ng apat na taon maluwalhati akong nakatapos ng kursong bokasyonal. Ang aking kapatid na si Felisa ay nakapagpatuloy ng hayskul at ang aking dalawa pang kapatid ay natigil muna at tinulungan na lamang nila si Inay sa paglalabada.

Isang araw, kinausap ako ni Itay. "Hindi ka na mag-aaral sa kolehiyo, Fermin. Tama na sa iyo ang makapagtapos hayskul, tutal maari ka namang mamasukan sa ilang kompanya riyan." Parang dumagan ang daigdig sa akin sa sinabi ni Itay. Kilala ko siya kung magpasya. Ang sinabi niya ay sinabi na niya. Ngunit nagbabasakali pa rin ako. "Itay, kahit na ho sa kapitolyo, gusto ko ho kasing kumuha ng inhenyeriya, magtatrabaho na lamang ho ako sa araw." Subalit isang nakatutulig na "hindi" ang nagpatahimik sa akin. "Huwag mong yakapin anf di mo kayang yakapin, napakataas ng iyong ambisyon."

Sabagay, tama siya. Marami kaming magkakapatid. Kung pag-aaralin pa nga naman niya ako sa kolehiyo ay baka mamatay na kaming dilat sa gutom. "Tama ang leksiyon namin noon sa Pop Ed, mahirap ang buhay ng maraming anak kaysa kaunti."

Ngunit matigas man ang pasiya ni Itay ay lalong matigas ang aking pasiya, pinatigas ng masidhing pagnanasang umunlad. Makaahon sa burak ng kahirapan.

Dala ang ilang pirasong damit at kaunting naipon sa pagkakargador ng palay sa mga makina ay walang paalam akong umalis sa amin. Pumunta ako sa Maynila at nakipagsapalaran. Kaloob marahil ng Diyos ay napasok ako sa publikasyon. Pumasa ako bilang dibuhista ng komiks dahil sa kaunting kaalaman sa paaralang bokasyonal noon sa probinsiya at sa tulong ng mga kasamahang tapos ng Fine Arts. Sa dahilang likas ang kahusayan ko sa pagguhit ay nabuhay ako, nakaupa sa isang maliit na apartment.

Iba pala ang kahit na paano'y may nalalaman, sa aking inuupahang maliit na apartment ay nagtayo ako ng isang T-shirt Printing at hindi naman ako nabigo. Tumanggap din ako ng pa "drowing" ng mga mag-aaral kung gabi at pagleletra ng diploma, hanggang sa unti-unti ay lumakas ang aking shop. Naging dahilan iyon upang magbitiw ako sa gawain sa publikasyong aking pinagtatrabahuan. Nagsumigasig ako sa maliit na negosyo at kumuha ng mga katulong na katulad ko noon ay humahanap ng kapalaran dahil sa karalitaan sa probinsiya.

Sumulat ako kina Itay at Inay, nagpadala ako ng pera ngunit sinadya kong ilihim ang aking kinaroroonan. . . Ewan kung bakit? Lumipas pa ang mga taon, hindi ko alam kung bakit tiniis silang huwag makita. Marahil ito ay dala ng hinanakit ko noon, ngunit hindi ko sila matiis na hindi padalhan ng pera. Halos lahat ng kalahati ng aking kinikita ang ipinadadala ko.

Ngayon ay narito ako at lulan ng isang Philippine Rabbit patungong probinsiya. Labing-apat na taon na ang matuling lumipas, ganitong-ganito rin noon, magulo ang aking isip subalit nananabik.

Huminto ang sasakyan at walang-kibo akong bumaba. Sumakay ako sa isa sa mga nakaparadang traysikel. "Napakalaki na pala ng ipinagbago ng aming bayan." Habang papalapit ako sa amin ay parang nagbabara ang aking lalamunan, parang tambol ang aking dibdib at patuloy sa panlalamig ang aking dalawang palad at talampakan. Sa bahay, gulat na gulat ang mga kapatid ko, takang-takang nangapatigil sa kanilang pagkakatayo. Nagdrama si Inay, niyakap ako at nag-iiyak, nagsermon si Itay ngunit sandali lamang at ayos na ang lahat. Nanibago ako sa amin. Ibang-iba ang ayos ng palagid.

Ang bakod na buho ay hollow blocks na, ang sahig na kawayan ay marmol na, ang tagni-tagning dyaryo na nasa dinding at mga lumang letrato ng mga artista ay pawang mga diploma na ng pagtatapos at mga larawan ng mga kapatid ko na pawang nangakatoga. Wala na rin ang kusinilya. Electic stove na, ang tapayan na imbakan ng inumin ay napalitan na ng Frigidaire, talagang malaki na ang pagbabago.

Matapos akong kumain ay kwentuhan, napakahabang pagbabalitaan.

Ang aking kapatid na si Felisa ay nakatapos ng komersiyo sa kapitolyo na balak ko sanang pasukan. Kasalukuyan na siyan naglilingkod bilang accountant sa rural bank sa bayan. Si Maria ay sekretarya na, si Henia, ang kasama-sama kong naglalako ng kakainin ay nasa Baguio na at nag-aaral ng medisina. Ang isa ko pang kapatid na lalaking si Boy ay nasa Canada na pla at ang iba ko pang mga kapatid ay kasalukuyang nag-aaral sa mataas na paaralan.

Ipinagpaaral pala ni Itay ang peran ipinadadala ko, at ang iba ay ginamit sa pagmamanukan at pagbababuyan. Nagkatulong-tulong na iyon sa pag-aaral ng aking mga kapatid at pagpupundar ng magandang tahanan at mga kagamitan. Ayaw raw nilang mapahiya sa kung sakali at maisipan kung umuwi ng tahanan.

Hatinggabi na, marahil ay tulog na silang lahat, ngunit nanatili akong gising, nangingiti ako sa mga pangyayari. At naiisip kong kayganda ng bukas, may landas ang tagumpay, sa mga nagsisikap. May kaginhawaan sa pandayan ng karalitaan at kahirapan. At may umagang sumisilay pagkatapos ng takipsilim.

×

Rodolfo D. Izon. "Sa pandayan ng karalitaan." Cyberdasm. 2013/07/31. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_6/novels/sa_pandayan_ng_karalitaan/25-1-0-126.

Rodolfo D. Izon. "Sa pandayan ng karalitaan." Cyberdasm. 2013/07/31. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_6/novels/sa_pandayan_ng_karalitaan/25-1-0-126.

Rodolfo D. Izon (2013/07/31). "Sa pandayan ng karalitaan." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_6/novels/sa_pandayan_ng_karalitaan/25-1-0-126.