Ako'y Pilipino, kulay ko'y kayumanggi. Dito ako nabuhay kaya dito rin ako mamatay.
Maraming tao ang nasisilaw sa mga pagkain, damit, at iba pa na galing sa ibang bansa. Tuloy, nalilimutan nila ang mga produkto na yari sa ating bansa.
Batay sa kasaysayan, hindi natin maiisantabi ang impluensiya na dulot ng mga dayuhan sa Pilipinas. Ang iba ay nakikipaglaban subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito maputol. Bakit kaya? Basahin na ang teksto at ng maunawaan.
Aayunan kaya ninyo ako kung sabihin kong hanggang ngayon ay marami pa rin sa atin ang alipin ng kaisipang kolonyal? Hindi ko man ginusto, napilitang tanggapin ko ang katotohanan dahil sa ilang karanasang may kinalaman sa isan sakit nating mga Pilipino; labis ang ating paghanga at pagpapahalaga sa mga bagay na gawa sa ibang bansa.
Isang araw, nasalubong ko sa paglalakad ang isa kong kumpareng hawa. Nakapolosert siya na sa tingin ko'y may kaluwagan. Dahil matikas ang kanyang tindig na wari bagang ipinagpaparangalan ang kanyang bihis, binati ko siya ng: "Pare! Ganda ng polo natin, a."
Napangiti ng maluwag ang kumpare kong hawa at may himig pagpapasiklab na sumagot, "Galing 'ata sa abroad 'yan, Pare ko!"
"Saang abroad?"
"Sa Tate ito, Pare Ko!"
Naisaloob ko: Kaya pala luganggang ang mga balikat dahil sukat-Amerikano.
Dahil sa insidensteng ito, muli kong napag-ukulan ng isip ang katotohanang ang tinatawag na kaisipang kolonyal ay laganap pa rin hanggang sa kasalukuyan. Totoong naiiba na nang kaunti ang kapahayagan, ngunit iyon din ang damdamin; ang dati-rating "isteytsayd," "blusil," at "Tate" ay lumawak lamang ang saklaw sa mga salitang impoerted at abroad.
Ang totoo ang tinutukoy ng abroad at impoerted ay walang kinalaman sa kaisipang kolonyal, maliban na lamang kung ginagamit ang mga ito nang may paghanga sa bagay-bagay na mula sa ibang bansa kaalinsabay ng higit na pagpapahalaga ng mga tao kayasa sa mga bagay-bagay sa sarili.
Ang labis na pagpapahalaga ng mga produkto at kaugaliang banyaga maging ang pinagmulan ay ang Estados Unidos o ibang bansa, ay bahagi ng kaisipang kolonyal na napaanib sa kaisipang Pilipino mula pa noong mapasailalim tayo, una, sa mga Kastila, at ikalawa, sa mga Amerikano. Totoong marami sa ating mga Pilipino ang may labis na tiwala at paghanaga sa mga bagay at kaugaliang hindi sariling atin. Mabuti sana kung karapat-dapat sa pagtitiwala at paghanga ang mga bagay at mga kaugaliang ito, ngunit nakalulungkot ang katotohanang kadalasan, ang mga pinagkakatiwalaanat hinahangaan, ay sadyang hindi karapat-dapat.
"Galing abroad 'yan!" madalas ipagmalaki ng nakasapatos na imported, sapatos na pakisuriin mo man nang matagal sa tingin, kung tao kang nakakuha ng isang produkto ay wala kang makikitang kahigtan sa mga persklas na sapatos-Marikina.
"Galing abroad 'yan!" may hinanakit na sambit ng isa kong kumpare na wari ay nagdamdam sa pagtanggi ko na iniaabot na sigarilyo. "Blusil 'yan, aalukin ba naman kitang humithit ng blusil?" Ang hindi niya matanggap ay ang pagtanggi ko ng blusil at hindi ang pagtanggi kung humithit dahil una, talagang wala naman akong balak pausukan pa ang mga baga ko.
"Nabalitaan mo ba, puti ang napangasawa ng kababata natin!" may pagkainggit na banggit sa akin ng isang kaibigan naming lumikas sa Estados Unidos ay isang diborsyado, na ang kaibigannaming ngayon, ayon na rin sa mga liham niya, ay sanay na sanay nang mamalantsa, magluto, maglinis ng bahay, at mag-alaga ng anak. Kapuri-puri naman, dahil mainam iyang lalaki ay makihati sa mga gawaing pambahay ng asawa, lalo na sa isang lipunang ang karaniwang tahanan ay walang inaasahang katulong, ngunit kung ang nainggit kong kaibigan ay hindi lamang duling kapag kalagayang Amerika na ang tinititigang kaibigan ay: "Anderdesaya ang kababata!"
"Nakaiinggit ang tiya ko" pagkukuwento ng isang kakilala. "Alam mo bang buwan-buwan halos, padalhan ng kung ano-ano ng mga anak sa abroad. Mga kendi, de-latang keyk, tsokoleyt, kape, kornbip, sardinas. . ."
Nakakatawa, hindi nakakinggit, naisaloob ko. Magkano ang halaga ng mga ipinadala, kung isasapiso ang ipinamimiling dolyar. Ang kahigtang sarap kaya ng kending isteytsayd sa kending Pinoy, ang kahigtang linamnam kaya ng isteytsayd na kornbip na lokal, ay sapat na katumbas ng diperensiya sa halaga ng dalawang produkto?
Talagang nakakatawa! Kung pera na lamang ba ang ipadala, mas mainam pa tutal, makabili ka rin ng kapeng isteytsayd sa pi-eks, basta may pera ka. Saka, hindi ba ang sardines ay sardinas din, ke sardinas-Malabon o sardinas-Espanyol? Ang totoo, magpapaihaw na lang ako ng bangus sa misis ko kung sardinas lang ang ipagmalaki sa akin.
Naanyayahan kami ng misis ko sa bahay ng isa niyang kaibigan. Puno ang bahay ng aplayanses pagdalaw sa Pilipinas. May telebesyon, haypay, rikorder, plorpaliser, toster, at marami pang iba: hanggang sa koryenteng pambati ng itlog, pambukas ng de-lata, sepilyo sa ngipin, at pang-ahit ay mayroon sila!
"Panay Tate 'yan!" pagpaparangal ng kaibigan ng misis ko.
Nang pauwi na kami ay masaya ang tawanan naming mag-asawa nang pag-usapan namin ang nag-anyaya sa amin. Kapwa pala kami lihim na nagbilang ng kung ilan ang aplayanses! Lalo kaming nagkatawanan nang mapagpuntahn namin ang ginawang ito ng aming pinuntahan; nagsaksak ng isang de-latang minatamis na prutas ay nang babtihin naman ang apat na itlog na gagamitin sainihahandang tortilya, de-koryente pang pambate ng itlog, na de-transpormer din, ang ipinambati!
"Brad, bati sa akin kamakailan lang ng isang barkada. "nag-abroad na si Koronel!"
Ang tinutukoy na "Koronel" ay ang nakatatanda niyang kapatid.
"Saan ba nagpunta?" paunlak ko namang ganting-tanong.
"Sa U.S. at may trabaho!" may pagmamalaking sabi.
"Ano naman ang trabaho?" patuloy kong pagpapaunlak.
"Security guard sa isang malaking kompanya!"
Muntik nang mapaasim ang mukha ko kung hindi ko napigilan: dito ay isang kagalanggalang na koronel ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, doon ay isang sikyu!Naisip ko: Nasaan naman ang pagpapahalaga sa sarili?
Naalala ko tuloy ang isang kaibigang nangibang-bansa tawag ng higit na malaking kita: dito ay iginagalang na propesor sa kolehiyo, drayber sa Iran; dito lisensiyadong komadrona, alila sa Hong Kong; dito ay may-ari at manedyer ng patahian, piyon sa konstruksiyon sa Saudi Arabia; dito superbisor sa mababang paaralan, tagapag-alaga ng bata da Estados Unidos. Nasaan nga ang pagpapahalaga sa sarili?
Huwag sanang bibigyan ito ng kahulugang mababa ang tingin ko sa mga gawaing hindi propesyonal. Pinagpahalagahan ko ang paggawa, maging ito ay paggawang nangangailangan ng pagbanat ng buto't pagpapatulo ng pawis o kaya ay paggawang pinatakbo ng isip at talino. Ang hindi ko matanggap ay ang palagay ng maraming dolyar ang kahuli-hulihang takalan ng lahat; para sa akin, ang dangal na naaangkop sa lagay ng buhay ng isang tao ay hindi kailanman dapat pabayaang matumbasan ng dolyar.
Ang isa kong kapatid na dalaga, na nagtuturo sa isang pamantasan sa Estados Unidos ay makalawa isang taon naming pinadadalhan ng mga damit na yari ng kanyang mananahi sa kalapit bayan ng aming nilikhang bayan sa lalawigan. Gayon ang gusto ng kapatid ko hindi raw malapatan ng mga damit na nabibili sa mga department store sa Estado Unidos. Magpadala siya ng mga disenyo at kulay na gusto niya; mamimili ako o ang aking kapatid sa Divisoria ng mga telang angkop sa kung pangtaglamig o pangtag-init ay ipatatahi; saka namin dadalhin ang disenyo at ang mga materyales sa mananahi.
"Bakit ba hindi na lang siya doon bumili?" palagi nang nasasabi ng mananahi na bagama't natutuwa dahil may tip ang bayad sa kanya ay palaging nagtataka na mas gusto ng kapatid ko ang tahi niya kaysa Amerika. "Puro isteytsayd ang naroon, ang tahi ko pa ang pinagtitiyagaan!"
Ayon naman sa sulat ng kapatid ko, kung suot niya ang mga bestidang ipinadala namin, napupuna ng mga kaibigan niyang Puti at tinatanong pa siya kung saang department store mamimili!
Noong usong-uso ang mga pantalong maong, ang mga tinatahing pantalon na mananahi ng aking kapatid ay pawang mga etiketang Wrangler, Calvin Klein, at Levi's. Ewan namin kung saan kumukuha ng mga etiketang ito ng mananahi. Ayon namn sa sulat ng kapatid ko, nababati ng mga kaibigan niya ang magandang lapat sa kanya ng mga pantalon at inuusisa siyan pilit kung saan talaga namimili.
Kung sawa na ang aking kapatid sa mga maong at pang-itaas na ipinadadala namin, ipababalik naman niya ang mga ito sa amin para ipamigay sa mga nagkakagusto. Ang karaniwang gawa namin ay ipamahagi ang mga second hand na damit na ito sa mga kanayong nangangailangan. Tuwang-tuwa naman ang mga nalalapatan, dahil naipagmamalaki pa nila ang mga pantalon kung suot na: "Tate 'ata 'yan Levi's orig 'yan!"
Lihim na napatawa kaming magkakapatid kapag naririnig naming tinatawag na "Tate" at "Levi's orig" ang mga padala ng kapatid namin sa Amerika.
Minsan naman ay dumalo ako sa handaan para sa isang pinsang balikbayan.
Patong-patong ang mga papuri niya sa mga bilihan ng mga tiket, ang hindi pagdura na mga tao kahit saan, at ang maingat na paglalagay sa mga basurahan ng mga maliit na itsahing patapon gaya ng mga balat ng kendi at beha ng sigarilyo. Talagang magagandang kaugalian ang mga iyon, naisaloob ko. Sana ay matularan din nating ugaliin ang mga ito dito sa ating bansa.
Patuloy ang pagkukuwento ng aking pinsan. "Ang mga bata," sabi niya, "ay mga independent-minded agad. Biruin mo ba namang ang panganay ko labindalawang taon, minsang pinangangarangalan ko ay sinasabihan ako ng: "Can it, Dad, will you? I know what I'm doing! Ugaling-Amerikano na rin!" may pagpaparanagal niyang sabi.
Sa loob-loob ko, ako ang sabihang "Tama na, Tatay. Alam ko ang ginagawa ko" ng ating anak samantalang pinangungusapan ko siya, dadapa siya sa lapag at makakatikim ng palo. Salamat naman sa Dios at binata na ang anak ko ay walang sumasagot sa akin nang pabalang, natitiyak ko namang sila naman may sariling pagpapasiya.
Sa Amerika daw, patuloy ng aking pinsan, pag kaya nang mamuhay mag-isa ng anak, karaniwa'y bumubukod na upang mamuhay nang malaya. Talaga raw kahanga-hanga ang maagang pagkakaisip ng mga batang Amerikano at ang kanilang pagmamahal sa kalayaang personal.
Naalala ko noong una akong magtrabaho. Natural, hindi ako bumubukod sa aking mga magulang. Natatandaan ko pa ang kaligayahang nadarama ko sa tuwing araw ng suweldo na may konti akong iniaabot sa kanila. Sa pagkawari ko ay higit ang uri ng kaligayahang maibibigay ng masakim na pagsasarili kapag kaya nang mamuhay nang hindi aasa sa kalinga ng mga magulang.
At sa Amerika raw, patuloy ng aking pinsan, wla kang makikitang mga kawawang matatanda; kapag matatanda na raw at hindi kayang asikasuhin ng mga anak, ang mga magulang daw ay itinitira sa mga pook na talagang iginayak para sa mga walang silbing matatanda.
May nadama akong pagkaawa sa aking pinsan. Naiisip-isip ko: Hintayin mong kapag wala ka nang silbi ay ipatapon ka na ng anak mo sa isang isinadyang tapunan ng mga matatanda at nang matikman mo ang kalungkutan ng walang mag-aaruga dahil hindi ka na pakikinabangan.
Isang araw naman, tuwa ang umali sa akin dahil sa maybahay ng isa kong kaibigan sa opisina. Ang kaibigan ko at ang kanyang misis ay kapwa marunong, may kaya sa buhay at nagtatapos sa unibersidad. Sapagkat masalapi, noong bakasyon ng nagdaan ay sa Estados Unidos nagpalipas ng isang buwan. Mga dalawang linggo pagbalik nila sa Pilipinas, inaayayahan namin sila ng misis ko na maghahapunan naman sa aming bahay.
Pagpasok na pagpasok pa lamang sa maliit naming bungalow, napansin kaagad ng babae ang bagong kurtinang tinahi ni misis ko. "Ang ganda ng kurtina mo!" sabi niya sa aking misis "Imported iyan, alam ko!"
Napatingin sa akin ang aking maybahay. Nagkibit na lamang ako ng balikat dahil kung pagkakamalan nilang imported ang lokal, hindi ko na kasalanan.
Nilapitan ng aming panauhin ang kurtina at sinalat-salat. "Kamukhang-kamukha ito ng telang uwi namin! Sino ba ang nagpadala sa iyo?" tanong niya sa misis ko.
Mabilis akong sumabad para unahan ang misis ko. "Bakit, saan mo ba binili ang uwi ninyo?" Ang tanong ko.
Ang lalaki ang sumagot sa akin. "Naku, sa San Francisco pa binili ang kukurtinahing ganyan, nang pauwi na kami galing sa Los Angeles. Sabi ko'y huwag na lang at marami na kaming dala-dalahan, pero hindi ko nasawata, bumili rin at wala raw mabibili rito sa isang kasingganda niya."
"Talaga bang ganitong-ganito ang uwi mo?"
"Oo! Stateside ito... Saan ka ba nakakuha?"
Natawa ang misis ko nang sumagot bilang pagtangging bigyang pansin ang pagtatago kong pagsenyas sa kanya, "Amiga, napeke ka!" ang sabi niya. "Ang sa iyo, Tate ang sabi mo. Itong sa akin, Divisoria."
Ako man ay napatawa na rin. Tuwa ang umali sa akin sa pagkakataong ito dahil sa kahulugan ng nangyari: Kung imported na tela ng aming kurtina, nakabibili pala ng murang imported sa Divisoria; kung lokal na tela ng aming kurtina, kahit pala sa mga Pilipinong marurunong at masasalapi, ang telang Pinoy, kung maganda at mataas ang uri, ay imported na rin!
Iilan lamang ito sa aking mga karanasan at kuro-kurong may kinalaman sa kaisipang kolonyal. Hindi natin maikakailang hanggang kasalukuyan, marami pa rin sa ating ang alipin ng kaisipang kolonyal. Kailan pa kaya natin lubusang masusugpo ang kaisipang ganito?