Project logo

Photo courtesy of .

Ang alamat ng Dahlia

By

×

First Published: 2013/07/18

Noong unang panahon, may isang babaeng naging tanyag dahil sa kanyang angking kagandahan. Ang dalagang ito ay nag ngangalang Dahlia.

Sa buong sulok ng bayan at maging sa mga ibayong dako ay rinig ang tungkol sa kagandahan ng dalaga. Si Dahlia ay may mapupungay na mga mata, mahaba at itimang buhok, mapupulang mga labi at makinis na kutis. Dahil sa kanyang angking kagandahan, maraming mga binata ang naglalayong makuha ang kamay ng dalaga upang mapangasawa.

Ngunit si Dahlia ay mailap sa mga tao. Siya ay naninirahang mag-isa malayo sa kabahayan ng mga taong bayan. Tuwing may mga binatang umaaligid sa kanya at nais magtapat ng kaninlng pag-ibig, siya as nagtatago sa kanyang bahay. Hindi ito lalabas hanggang sa ang mga binata ay mawalan ng gana sa pag-aantay at mag-kusang umalis ng hindi nasisilayan ang dalaga.

Kadalasan, si Dahlia ay nagpupunta sa kakahuyan at doon namimitas ng mga ligaw na halaman na may mga magagandang bulaklak. Sa pag-uwi nya, itinatanim niya ang mga halaman sa kanyang hardin, kaya ang kanyang hardin ay puno ng mga magagandang bulaklak.

May isang binatang nakarining tungkol sa kagandahan ng dalaga at ng masilayan nya ito, si Juan ay nahalina kay Dahlia. Naging masugid si Juan sa panliligaw sa dalaga. Bagamat hindi siya hinaharap ng dalaga, hindi siya sumuko na kausapin at ipahayag ang kanyang pag-ibig. Alam ni Juan na naririnig ni Dahlia ang kanyang mga sinasambit.

Araw-araw dinadalaw ni Juan si Dahlia. Dahil napansin nito na mahilig ang dalaga sa mga bulaklak, araw-araw din itong may dalang mga bulaklak para sa kanya.

Ito ay nagpatuloy hanggang sa, dahil na rin sa mga bulaklak, unti-unting lumabas si Dahlia at nakipag-usap sa binata. Nahulog rin ang loob ng dalaga sa binata, hanggang sa sila ay naging magkasintahan at di nagtagal sila ay nagpasya sa pag-iisang dibdib.

Ngunit bago ang kanilang kasal, nag-paalam si Juan kay Dahlia na ito ay umuwi sa kanyang bayan upang mag-paalam ng maayos sa kanyang mga magulang. Kahit ayaw ni Dahlia na magkahiwalay sila ng matagal ni Juan, pumayag na rin ito. Ipinangako ni Juan na kaagad itong babalik kay Dahlia upang ituloy ang kasal.

Araw-araw na inantay ni Dahlia ang kasintahan. Lumipas ang mga araw at mga buwan, ngunit walang Juan ang bumalik.

Hanggang sa ang pag-aantay ay umabot ng isang taon, hindi na nakayanan ng dalaga ang kanyang hinagpis. Lumabas siya ng kanyang bahay sa kanyang magandang hardin. Lumuhod siya sa tabi ng kanyang mga tanim na bulaklak, nag-iiyak at maya-maya ay kinitil ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtaga sa sarili ng isang tabak. Dumaloy ang dugo ni Dahlia sa mga bulaklak na nakapaligid sa kanya. Habang unti-unting nalalagutan ng hininga ang dalaga ay may isang anino ang nakitang parating. Si Juan ay nagbalik.

Ngunit huli na ang lahat, ang dalaga ay wala ng buhay. Nag-sisi si Juan pero hindi na nya maibabalik ang buhay ng magandang si Dahlia. Inilibing ang dalaga sa kakahoyan kung saan madalas siyang naglalagi.

Matapos ang ilang araw, ang mga bulaklak na dinaluyan ng dugo ni Dahlia ay nanatiling kulay pula. At kahit na maulanan ang mga ito, hindi pa rin mahugasan ang kulay ng mga ito. Mag mula noon, ang mga umusbong na mga bulaklak ay ganoon na ang naging kulay. Dahil sa napakaganda ng mga bulaklak at hindi matanggal ang pulang kulay na mantsa ng dugo ng dalaga, ang mga ito ay tinawag na Dahlia.
×

. "Ang alamat ng Dahlia." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/ang_alamat_ng_dahlia/13-1-0-56.

. "Ang alamat ng Dahlia." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/ang_alamat_ng_dahlia/13-1-0-56.

(2013/07/18). "Ang alamat ng Dahlia." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/ang_alamat_ng_dahlia/13-1-0-56.