Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Munting Loro

By

×

First Published: 2013/07/18

Ito ay kuwento ng dalawang magkasintahan na pilit pinaglalayo ng kani-kanilang mga magkaaway na angkan.

Noong bata pa ang mundo, sa isang bayan ay may isang dalawang makangayarihang angkan ang nag-aaway kung sino ang mas karapat-dapat na mamuno sa taong bayan. Parehas na makapangarihan ang bawat pamilya kung kaya’t hindi sila magkasundo. Ito ay ang angkan nila Datu Dinaganda at Datu Manoo.

Ang angkan ng mga Dinaganda ay may nag-iisang anak na dalaga na nagngangalang Marikit. Ang dalaga ay maganda at mabait. Mahal siya ng kanilang nasasakupan sapagkat siya ay matulungin at masayahin. Marami ring mga kalalakihan ang nanliligaw kay Marikit.

Samantalang sa angkan naman ng mga Manoo, pinagmamalaki nila ang kanilang panganay na anak na si Maksil. Ang binata ay makisig at matapang. Siya ay isang tunay na mandirigma. Dahil sa mga katangiang ito, maraming babae at maging mga lalaki ang humahanga kay Maksil.

Isang araw nang nangangaso ang magiting na binata ay nakita niya sa may talon ang magandang dalaga. Nagustuhan ni Maksil si Marikit kaya’t nilapitan niya ito at nagpakilala. Matapos noon ay hindi na nilubayan ng lalaki ang babae. Hindi naglaon naging magkasintahan ang dalawa.

Ngunit dahil nga sa mortal na magkaaway ang kani-kanilang angkan, sila ay palihim na nagkikita sa kung saan una silang nagkakilala.

Isang araw, pinasundan ni Datu Dinaganda si Marikit sa isang alipin. Nakita ng alipin na ang dalaga ay nakikipagtagpo sa anak ng mortal nilang kaaway. Isinumbong ng alipin si Marikit sa kanyang ama.

Nagalit si Datu Dinaganda at pinagbawalan ang dalaga na makipagkita sa kasintahan. Ngunit hindi papipigil ang dalaga sa kanyang nararamdaman para sa binata. Nag-isip ito ng plano upang makatakas sa palasyo at makipagkita sa iniirog upang yayain itong lumayo sa kanilang nag-aaway na angkan.

Isang tapat na alipin ni Marikit ang lihim na nagbigay ng mensahe kay Maksil upang makipagkita sa dalaga sa dati nilang tagpuan. Pumayag ang binata.

Nang gabing magkita ang magkasintahan, sila ay nagsumpaan na walang sino man ang makapaghihiwalay sa kanila. Subalit lingid sa kanilang kaalaman ay sinundan silang parehas ng kanilang mga angkan.

Pilit silang pinaglalayo sa isa’t isa ngunit nagpumiglas ang dalawa. Inilabas ni Maksil ang kanyang sandata at naghamon sa sino man ang lalapit.

Nang nakatakbo at nakapagtago ang dalawa mula sa mga humabol sa kanila. Inulit nila ang sumpaan na wala nang makapaghihiwalay sa kanila.Napag-isipan nila na ang tanging paraan upang hindi sila mapaglalayo ay kung parehas na silang walang buhay. Sa gayon wala nang magagawa ang kani-kanilang angkan.

Sa oras ding iyon ay kinitil ng magkasintahan ang kanilang buhay habang magkahawak pa rin sa isa’t isa.

Narinig ng mga diyosa ang sumpaan ng dalawa. Humanga ang mga ito sa kanilang pagmamahalan at nanghinayang na hindi nabigyan ng pagkakataon ang dalawa na magsama. Dahil dito, ginawa nilang munting mga loro ang magsing-irog.

Tulad ng sumpaan ng dalawa, ang mga munting loro (lovebirds) ay hindi puwedeng paghiwalayin kung hindi mamamatay ang mga ito dahil sa lungkot na mawala ang kasintahan.
×

. "Alamat ng Munting Loro." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_munting_loro/13-1-0-61.

. "Alamat ng Munting Loro." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_munting_loro/13-1-0-61.

(2013/07/18). "Alamat ng Munting Loro." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_munting_loro/13-1-0-61.