Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Mirasol

By

×

First Published: 2013/07/18

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ubod ng bait. Napamahal sa mga kapitbahay ang mag-asawa sapagkat ang mga ito ay matulungin sa lahat. Nakita rin ng diyosa ng araw ang lahat ng mabuting gawain ng mag-asawa at ito ay labis na natuwa sa kanila.

Subalit ang mag-asawa ay hindi lubusang masaya sapagkat sila ay hindi biniyayaan ng supling. Matagal nang nagsasama ang dalawa ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang anak. Tumatanda na ang mag-asawa at sila ay nalulungkot sa tuwing naiisip nila kung kanino nila iiwanan ang kanilang ari-arian. Naisip ng mag-asawa na ipamana na lamang ito sa isang malayong kamag-anak sakaling hindi talaga sila mabigyan ng anak.

Ngunit taimtim pa rin silang nagdarasal na sana’y bigyan din sila ng batang aalagaan. Narinig ng diyosa ng araw ang panalangin ng mag-asawa. Dahil nakita niyang mabait sa kapwa ang dalawa, ipinagkaloob niya ang kanilang hiling. Ang mag-asawa ay nagkaroon ng isang anak na babae na kanilang pinangalanang Mirasol.

Mahal na mahal ng mag-asawa ang kanilang anak na si Mirasol. Dahil sa siya ay ang nag-iisang anak, lahat ng magagandang bagay ay binibigay ng dalawa sa bata. Lumaking mabuti at matulungin ang bata katulad ng kanyang mga magulang.

Isang araw, nagkaroon ng malubhang sakit sa bayan at sa kasawiang palad. ang mag-asawa ay kasama sa nadapuan nito. Dahil sa matanda na, alam ng dalawa na mahirap na silang gumaling mula sa sakit. Naging malubha ang kalagayan ng dalawa at walang magawa si Mirasol.

Bago namatay ang mag-asawa, inihabilin nila ang kanilang nag-iisang anak at ari-arian sa pangangalaga ng kanilang malayong kamag-anak.

Pumayag ang kamag-anak ngunit alam niya na pag umabot sa tamang gulang ang bata, kay Mirasol mapupunta ang lahat ng ari-arian. Naging sakim ang kamag-anak. Ninais nitong mapasakanya ang lahat ng ari-arian kaya’t si Mirasol ay ginawa niyan alipin habang siya ay nagpapasarap sa yamang naiwan ng mag-asawa.

Si Mirasol ang pinag-lilinis niya ng bahay, pinag-lalaba, pinag-papakain ng mga alagang hayop at iba pang gawaing bahay. Madalas ding pinapagalitan at pinaparusahan ng kamag-anak ang bata. Ilang ulit din siyang hindi pinapakain. Natutulog na lamang itong pagod at walang laman ang tiyan.

Isang araw, hindi na naman nakakain si Mirasol. Habang naglilinis sa bakuran ay umiiyak ito na nagdarasal na sana’y matigil na ang kalabisang ginagawa ng kamag-anak sa kanya.

Narinig ng diyosa ng araw ang hinagpis ng bata. Ito ay nagsalita at sinabing simula sa araw na iyon ay hindi na siya masasaktan ng kamag-anak. Habang maliwanag at naririyan ang diyosa ay may magbabantay sa kanya.

Pagkatapos magsalita ng diyosa, nagpasalamat si Mirasol at nakita niyang unti-unting nagbabago ang kanyang anyo. Si Mirasol ay naging isang halaman na may maganda at kulay dilaw na bulaklak. Simula noon, tinawag ng taong bayan ang halaman na Mirasol.

Sa ngayon, makikita natin ang halaman na Mirasol na nakatingala sa araw na waring nagpapasalamat sa pagliligtas ng diyosa. Sa gabi, pag wala na ang liwanag ng araw, ito ay yumuyuko upang hindi mapansin ng mapang-aping kamag-anak.
×

. "Alamat ng Mirasol." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_mirasol/13-1-0-58.

. "Alamat ng Mirasol." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_mirasol/13-1-0-58.

(2013/07/18). "Alamat ng Mirasol." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_mirasol/13-1-0-58.