Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Matsing

By

×

First Published: 2013/07/18

Noong unang panahon, may isang mag-asawang magsasaka. Sila ay biniyayaan ng isang dosenang anak na lalaki. Ang mag-asawa ay hindi mayaman ngunit sila ay mapagmahal sa kanilang mga anak.

Natutuwa noon ang asawang lalaki, ipinagmamalaki niya sa kanyang mga kaibigang mag-sasaka na meron na siyang katuwang sa pagsasaka sapagkat pulos lalaki ang kanyang naging mga anak. Ngunit ang mga anak na lalaki ay ubod ng tamad at malilikot. Wala silang ibang ginawa kundi mag-laro buong maghapon.

Madalas, ang mga bata ay wala sa bahay buong araw. Mahahanap mo sila sa kakahoyan nagtatakbuhan. Libangan nila ang umakyat sa mga puno, mag baging-baging at maghahabulan. Magkukulitan ang mga ito hanggang sa abutin ng gabi at hanapin na ng kanilang mga magulang.

Kung hindi man sila mapunta sa kakahoyan, sila ay nasa kanilang bakuran at mamimitas ng mga tanim na prutas ng kanilang ina. Paborito nila ang tanim na saging na namumunga ng madami.

Nagugulo naman ang buong kabahayan kapag sila ay nasa loob ng bahay. Nawawala ang mga gamit ng kanilang ina sa pagluluto sapagkat kanila itong itinatago. Ang mga upuan at mga kagamitan ay nasisira dahil sa pagtatalon-talon ng mga ito dito. O di kaya ay pinag-papasapasahan nila ang mga ito na parang bola.

Ngunit mapasensya ang mag-asawa sa kanilang mga malilikot na mga anak. Naisip nila na tatanda rin ang mga ito at mawawala din ang pagkapilyo ng mga bata. Magkakaroon din sila ng katuwang sa gawaing bukid at bahay.

Nagkamali ang mag-asawa sapagkat habang naglalaon ay lalong gumulo ang mga bata. Madalas na kundi sira ang mga gamit sa bahay ay hindi mahanap ang mga ito dahil sa kalalaro ng mga bata. Ang kanilang mga pananim ay kadalasan ding ubos ang prutas at ang mga punong-kahoy ay putol-putol ang mga sanga

Isang gabi, pag-uwi ng mag-asawa galing sa bukid, dinatnan ng mga ito ang gulo-gulong bahay. Sira-sira ang kanilang kagamitan at higit sa lahat ay wala pang nakahandang pagkain para sa pagod na mag-asawa. Wala ring batang andun sa bahay.

Tinawag ng ama ang kanyang mga anak ngunit wala ni isa ang sumagot o nagpakita. Lumabas siya sa bakuran at nakita ang putol-putol na mga puno. Ngunit ala pa ding mga anak ang nakita. Nagpunta sa kakahoyan ang mag-asawa, sigurado silang andun ang mga bata.

Sa kakahoyan nga nakita ng mag-asawa ang mga bata na nag-lalambitin at nag-babaging sa mga sanga-sanga. Meron ding mga bata na nag-aaway at walang pakialam na tinatawag na sila ng magulang. Umabot sa sukdulan ang pasensya ng mag-asawa ng makita ang mga tamad na anak na walang ginawa kundi maglaro.

Pinulot ng mag-asawa ang sanga na nahulog mula sa puno at ng tangkang papaluin na ang mga bata, ang mga ito ay nagsipag-takbo ng mabilis. Hindi mahabol ng mag-asawa ang kanilang mga anak kung kaya’t itinapon nalang nila ang mga sangang nahulog mula sa puno. Ang mga sanga ay dumikit sa puwet ng mga bata. Hindi na ito matanggal sa puwetan ng mga bata at naging buntot ang mga ito. Ang mga bata ay tinubuan din ng mahahabang mga balahibo.

Simula noon ay hindi na umuwi ang mga bata. Sa mga puno na lang sila tumira, naglalambitin at masayang naglalaro. Sila ang mga unang matsing.
×

. "Alamat ng Matsing." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2025/01/21. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_matsing/13-1-0-60.

. "Alamat ng Matsing." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_matsing/13-1-0-60.

(2013/07/18). "Alamat ng Matsing." Cyberdasm. Retrieved 2025/01/21, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_matsing/13-1-0-60.