Project logo

Photo courtesy of .

Alamat ng Bulkang Taal

By

×

First Published: 2013/07/18

Noong unang panahon, ang bayan ng Tagaytay ay pinamumunuan ng isang matanda ngunit makapanyarihang lalaki. Siya ay nagngangalang Lakan Taal. Iginagalang ng mga taombayan si Lakan Taal sapagkat siya ay matalino at makatarungan sa kanyang pamamahala. Halata nga na isang magaling na pinuno ang matanda sapagkat ang kanilang bayan ay maunlad at maasenso.

Maayos ang pamamalakad sa bayan at walang balita ng mga kaguluhan dahil sa malaking reespeto nila kay Lakan Taal. Maganda rin ang komersyo ng lugar. Maganda at masagana ang kanilang mga ani kung kaya't nakakapamunga sila ng mga kape, abukado at iba pang mga bungang kahoy.

Isang araw, dali-daling pinulong ng matanda ang kanyang mga tapat ng taga-sunod. Dinala ni Lakan Taal ang mga alagad sa isang liblib na parte ng kakahuyan. Pinag-sabihan ng matanda ang mga ito na pinagbabawalan na niya ang sinoman na magpunta sa tuktok ng bundok na kanyang itinuro. Sa malayo mapapansin na ang bundok ay luntian at sagana sa mga punong-kahoy. Dahil sa malaki ang paggalang nila sa pinuno ay sumang-ayon ang mga alagad at ipinangakong ipagbibigay-alam sa taong bayan ang utos ng matanda. Pinagsabihan nga ng mga ito ang taombayan at mahigpit namang sinunod ang utos ng pinuno. Walang sinoman ang mangahas na suwayin ang utos ni Lakan Taal.

Masaya at kuntento ang mga taong bayan sa pamamalakad ni Lakan Taal ng bigla na lamang nawala ang matanda. Ni wala man lang itong pinagbilinan kung saan siya pupunta. Hinanap ng lahat ang kanilang pinuno ngunit hindi nila ito makita. Nagpunta ang mga alagad hanggang sa kasuluk-sulukang parte ng bayan at maging sa mga kakahuyan ngunit wala si Lakan Taal dun. Walang nakakita o makapagsabi kung nasaan ang matanda.

Ilang taon na ang nakalipas simula nang maglaho ang matanda ngunit hindi pa rin ito natatagpuan o bumabalik sa bayan. Kahit masagana ang pamumuhay nila ay hinahanap-hanap pa rin nila ang mabait na pinuno.

Isang araw, may nagmungkahi na akyatin nila ang bundok na pinagbawalan ng matanda na puntahan. Baka naman dun daw nagtatago ang matanda. Sumang-ayon ang taong bayan na sabik malaman kung anong meron sa nasabing bundok.

At pumanhik nga ang mga ito sa nasabing bundok; sa itaas nakita nila na may malaki itong butas. Sumilip sila sa loob at nakita na puno ito ng mga makikinang na mga bato, mga perlas, diamante at iba pa. Nagtulakan at nag-away- away ang mga ito sa pakikipag-unahang makakuha ng mga yaman. Dumadagundong na boses ni Lakan Taal ang pumigil sa mga ito at nagsabing kaya hindi sila pinapapanhik sa nasabing lugar dahil sa alam niyang ganito lamang ang kahihinatnan ng lahat.

Dahil sa galit ni Lakan Taal, hiniling nito sa Bathala na magkaroon ng malakas na kidlat at kulog at unos. Hindi pa natatapos ang matanda na nagsasalita nang dumilim ang paligid at nangyari ang sinabi nito. Lumindol din ng malakas at ang bundok ay nagbuga ng apoy na siyang ikinasawi ng mga taong sumuway sa utos ng matanda.

Ang bundok ay pinalibutan ng tubig at maging ang butas sa tuktok ng bundok ay nagkaroon ng lawa upang walang sinoman ang makakuha ng mga kayamanan. Simula noon ay tinawag ang bundok na Taal mula sa matandang pinuno.
×

. "Alamat ng Bulkang Taal." Cyberdasm. 2013/07/18. Accessed 2024/12/22. /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_bulkang_taal/13-1-0-80.

. "Alamat ng Bulkang Taal." Cyberdasm. 2013/07/18. Date of access 2024/12/22, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_bulkang_taal/13-1-0-80.

(2013/07/18). "Alamat ng Bulkang Taal." Cyberdasm. Retrieved 2024/12/22, /publ/volume_3/alamat/alamat_ng_bulkang_taal/13-1-0-80.